Wazzup Pilipinas!?
Binigyang-diin ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade na kailangang pairalin ang disiplina at tamang pamamaraan sa pagsisilbi sa publiko sa gitna ng kaniyang pagpapasinaya sa bagong tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Candon City, Ilocos Sur ngayong araw, ika-24 Pebrero 2022.Nasa Ilocos Region ang Kalihim, kasama ng iba pang opisyal ng Kagawaran para sa sunud-sunod na aktibidad, tulad ng inagurasyon ng nasabing LTO District Office at inspeksyon ng iba pang mga proyekto kabilang na ang Vigan at Laoag Airport, gayundin ng Currimao Port.
Sa inagurasyon ng LTO Candon District Office, pinaalalahanan ni Secretary Tugade ang mga kawani ng ahensya na bukod sa pagsasa-ayos at pagpapaganda ng mga pasilidad, tulad ng bagong gusali ng LTO, kailangan ding panatilihin ang maayos at kalidad na serbisyong pampubliko.
"Sa pag-inaugurate natin ng mga facility at mga darating pang pasilidad, kailangan – cut processing time, no corruption, be punctual and don't be late," ayon kay Secretary Tugade.
"If you cannot do good in government service, don't join government service. If you cannot sacrifice for the people, don't join government service," dagdag pa ng Kalihim.
Matatagpuan sa tinatawag na sentro ng mga aktibidad sa lugar, ang LTO Candon District Office ay sumasakop at nagseserbisyo sa dalawampu’t-dalawa (22) pang mga bayan. Maliban sa Candon City, sakop sa Geographical Area of Responsibility ng LTO Candon ang mga sumusunod na munisipalidad ng Ilocos Sur: Santa, Narvacan, Nagbukel, Sta. Maria, San Esteban, Burgos, Santiago, Lidlidda, Banayoyo, San Emilio, Galimuyod, Salcedo, Gregorio Del Pilar, Quirino, Sta. Lucia, Sta. Cruz, Tagudin, Sigay, Suyo, Cervantes, Alilem, at Sugpon.
Taong 2019, pinagsumikapan ng lokal na pamahalaan ng Candon na gawing government center ang kahabaan ng Bypass Road, Bagani Campo sa Candon City at isa sa mga ahensiya ng gobyerno na nabigyan ng lupang pagtatayuan ng himpilan ay ang LTO Candon District Office.
Matapos ang groundbreaking nito noong Enero 2020, nailipat at naitayo na ang bagong tanggapan ng LTO Candon, tampok ang mga makabagong pasilidad. Layon ng inisyatibo na mas ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao.
Samantala, pinasalamatan naman ni Candon City Mayor Ericson Singson si Secretary Tugade at ang pamunuan ng Land Transportation Office sa pagsasakatuparan ng proyekto. Aniya, malaking tulong ang pagtatayo ng bagong LTO Candon District Office sa kanilang adhikain na mas palaguin ang ekononomiya sa lugar sa pamamagitan ng pagdami ng negosyo, pagkakaroon ng iba’t-ibang tanggapan ng pamahalaan o at pamumuhunan ng maraming investor.
"Aminin natin na we need to speed up our recovery dahil sa sobrang epekto ng pandemya sa ating lahat. Again, we acknowledge that such government project na gaya nitong LTO Building na maraming attached na negosyo and new opportunities ang makakatulong nang malaki,” ani Mayor Singson.