Wazzup Pilipinas!?
Pinangunahan nina Transportation Secretary Art Tugade at Labor Secretary Silvestre Bello III ngayong araw, ika-8 Nobyembere 2021, ang pamamahagi ng ayuda at programang pang-transportasyon at pangkabuhayan na makatutulong sa paghahanapbuhay ng mga Ilonggo at paglago ng probinsya ng Iloilo sa kabila ng pandemya.
Benepisyaryo ng mga programa ang mga transport workers sa probinsya at mga bumalik sa bansa na mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Secretary Tugade, ang pagpunta nila ni Secretary Bello sa Iloilo ay upang tuparin ang pangako ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bigyan ng komportableng pamumuhay ang mga Pilipino at ipakita ang “package of love” ng Pangulo sa mga Ilonggo.
“Naniniwala ako na kung anuman ang Iloilo ngayon, konti lang ‘yan sa kanyang mararating sa kinabukasan. Lalaki at lalago ang pamahalaang Iloilo. Kaya nga ‘ho ang pamahalaang Duterte ay nandidito ngayon upang sa kaniyang modest na paraan ay makatulong sa paglaki at paglago ng Iloilo,” ani Secretary Tugade sa paglunsad ng kabuhayan projects ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa lalawigan.
Kabilang sa mga pinamahagi ng DOTr ang 25 electronic tricyles o E-Trikes sa Provincial Government ng Iloilo matapos pumirma si Secretary Tugade ng Memorandum of Agreement (MOA) kasama si Iloilo Lone District Representative Julienne "Jam" Baronda.
Paliwanag ni Secretary Tugade, layon ng pamimigay ng E-Trikes na mas maraming tao ang makabiyahe at makapunta sa kanilang trabaho, hindi lamang sa pamamagitan ng mga pampublikong transportasyon. Dagdag pa niya, makatutulong din ang mga ito sa pagtitiyak ng kalusugan at kaligtasan ng mga road users, gaya ng mga siklista at riders, para sa kanilang biyahe at paghahanapbuhay.
“Maganda ang pagkakumpuni, maganda ang pagkaayos. Ito ‘ho ay magagamit ninyo sa pagnenegosyo. Ito ay isang handog ng pagmamahal ng Kagawaran ng Transportasyon sa siyudad ng Iloilo, nang sa ganoon makatulong kami sa kagustuhan ng mga taong maghanap-buhay at umangat ang kanilang buhay,” dagdag ni Secretary Tugade.
Magsisimula na rin sa Iloilo ang operasyon ng kauna-unahang cashless payment transaction sa mga pampublikong sasakyan. Ang mga cashless bus ay bibiyahe sa rutang Iloilo-Caticlan, Roxas at Kalibo area.
Samantala, 38 na benepisyaryo ang binigyan ng DOLE ng kabuhayan project na “Bikecination,” at libreng cellphones at load, habang 75 indibidwal naman ang makikinabang sa “Trisikad” Project. Namahagi naman ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng mga tseke para 40 benepisyaryo ng livelihood projects, habang 17 ang benepisyaryo ng programang “TABANG OFW.”
“Alam niyo po kaya kami nandito ni Secretary Tugade, isa lang ang aming pakay, ang iparating sa inyong mga kababayan namin sa Region 6 ang ayuda ng gobyerno ni Presidente Duterte. Sabi ni Presidente, pera niyo ‘yan kaya basta meron ay ipamigay sa inyo,” ayon kay Secretary Bello.
Nagpasalamat naman ang pamahalaan ng Iloilo kina Secretary Tugade at Secretary Bello sa mga hatid nilang tulong at programa para sa probinsya at sa mga Ilonggo.
Partikular na pinasalamatan ni Iloilo Governor Arthur “Toto” Defensor Jr. si Secretary Tugade para sa mga airport at port projects ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Philippine Ports Authority (PPA) sa lalawigan.
“Let me extend the thanks of the people of Iloilo. Salamat sa mga oras na ibinibigay ninyo at sa pag-asikaso sa mga port sa Iloilo. Salamat sa ating pagtutulungan at trabaho kasama ang CAAP at PPA. Pasalamatan din natin si President Rodrigo Duterte sa mga proyekto na dumaan sa mga opisina nina Secretary Tugade at Secretary Bello,” ani Governor Defensor.
“We witness these Ilonggo beneficiaries to be given a chance to start over again and to see hope amidst these trying times. All these will not become possible without the love and concern of Secretary Bello and Secretary Tugade,” ayon naman kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas.