BREAKING

Monday, February 10, 2025

Estandardisasyon at Intelektuwalisasyon ng Wikang Pambansa, Isusulong ng KWF- Kom. Casanova


Wazzup Pilipinas!?



Patúloy na isusulong ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang estandardisasyon at intelektuwalisasyon ng Wikang Pambansa, ito ang ipinahayag ni Kom. Arthur P. Casanova, Tagapangulo ng KWF sa katatapos na Gawad Julian Cruz Balmaseda na ginanap sa Bulwagang Romualdez, 2/P Gusaling Watson, 1610 Kalye Jose P. Laurel, San Miguel, Lungsod Maynila.


Binanggit din ni Tagapangulong Casanova na ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ay isang halimbawa ng pagpupunyagi ng KWF na lalò pang mapaigting ang pagiging intelektuwalisado ng Wikang Pambansa. Ibinahagi pa niya na ng wikang Filipino bílang intelektuwalisadong wika ay nása mataas na level na at patúloy na nagsusumikap ang KWF upang higit pang maitaas ang level ng intelektuwalisasyon ng wikang pambansa.


Sa ginawang programang Gawad Julian Cruz Balmaseda 2025, tinanggap ni Mariyel Hiyas C. Liwanag, PhD ang sandaang libong piso (PHP100,000.00) plake, at medalya para sa kaniyang disertasyon sa DLSU-Maynila na pinamagatang “Isabuhay: Isang Larong Disenyo para sa Diskurso ng mga Wikang Katutubo” bílang pinakamahusay na disertasyon sa taóng 2025.


Tumanggap din si Kristine Mae M. Nares ng sandaang libong piso (PHP100,000.00), plake, at medalya para sa kaniyang tesis masterado sa Bicol University na pinamagatang “Pagmamapa ng Kalinangang Bayan ng Munisipalidad ng Guinobatan, Albay” bílang pinakamahusay na tesis sa taóng 2025.


Ibinahagi rin ni Tagapangulong Casanova na bahagi pa rin ng pagpupunyagi ng KWF para sa intelektuwalisasyon ng Wikang Pambansa ay ang patúloy na pagsasagawa ng ahensiya ng mga proyektong pangwika kabílang ang paggawa ng diksiyonaryo na patúloy na pinauunlad at nirerebisa bílang kongkretong patunay na ang wikang Filipino ay tinatangkilik, pinahahalagahan, at ginagamit ng mga Pilipino. 


Ipinahayag naman ni Kom. Benjamin Mendillo Jr. na ang araw ni Balmaseda ay selebrasyon ng mahuhusay na saliksik  na nakabatay sa pagiging angkop, napapanahon, at nakalilinang ng kritikal na kaisipan gámit ang wikang nauunawaan ng madla upang lalong pakinangin ang pananaliksik  sa akademya gámit ang wikang Filipino.


Hinihikayat naman ni Kom. Carmelita C. Abdurahman ang mga magsusulat pa lámang ng kanilang mga saliksik na gamíting midyum ang Filipino upang lalò pa nating maisulong ang intelektuwalisasyon nitó. 


Ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ay ang pinakamataas na pagkilála na handog ng KWF para sa natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, agham panlipunan, at iba pang kaugnay na larang gámit ang wikang Filipino. Si Julian Cruz Balmaseda (28 Enero 1885–18 Setyembre 1947) ay itinuturing na isa sa mga haligi ng panitikang Pilipino dahil sa malaking kontribusyon niya sa panitikan ng bansa. 


About ""

WazzupPilipinas.com is the fastest growing and most awarded blog and social media community that has transcended beyond online media. It has successfully collaborated with all forms of media namely print, radio and television making it the most diverse multimedia organization. The numerous collaborations with hundreds of brands and organizations as online media partner and brand ambassador makes WazzupPilipinas.com a truly successful advocate of everything about the Philippines, and even more since its support extends further to even international organizations including startups and SMEs that have made our country their second home.

Post a Comment

Ang Pambansang Blog ng Pilipinas Wazzup Pilipinas and the Umalohokans. Ang Pambansang Blog ng Pilipinas celebrating 10th year of online presence
 
Copyright © 2013 Wazzup Pilipinas News and Events
Design by FBTemplates | BTT