Monday, August 19, 2024

Dr. Raquel S. Buban at Dr. Dolores R. Taylan, Gagawaran sa KWF Dangal ng Wikang Filipino 2024



Wazzup Pilipinas!?



Gagawaran ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng Dangal ng Wikang Filipino 2024, sina Dr. Raquel E. Sison-Buban, isang edukador, tagasalin, mananaliksik, tagapanayam, manunulat at alagad ng wika at Dr. Dolores R. Taylan, isang edukador, tagasalin, manunulat, at mananaliksik.


Si Dr. Buban ay nagbigay ng iba’t ibang panayam at lektura sa iba’t ibang akademikong institusyon para sa iba’t ibang paksa kabilang ang: Espesyal na Maikling Kurso ng Pagsasalin;  Pagbasag sa mga Mito ng Pagsasalin at Pagsasalin ng Metapora; Pagbuo ng Programa para sa Pagsasanay sa Pagsasalin: Estado, Proseso at Disenyo; Isyu, Bugso, at Direksiyon ng/sa Pagsasalin sa Ika-21 Siglong Edukasyon; Lipat, Danas, Lapat: Praktika at Estratehiya sa Pagsasaling Teknikal; at Mga Teorya at Praktika sa Pagsasalin.


Si Dr. Taylan ang isa mga haligi ng Departamento ng Filipino at ng Pamantasang De La Salle sa pagsusulong at pagpapaunlad ng wikang Filipino. Sa mahigit dalawang dekada niyang pagtuturo sa pamantasan, ipinakita niya ang kaniyang dedikasyon at adbokasiya sa pagpapaunawa sa mga Lasalyanong mag-aaral ng kahalagahan at kapangyarihan ng wikang Filipino sa pagbabagong panlipunan. Malaki ang kaniyang ambag sa pagsusulong ng intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa buong bansa. Aktibo siyá sa iba't ibang pambansang organisasyon tulad ng Propesyonal na Asosasyon ng mga Tagasalin at Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS) at ng Pambansang Samahán ng mga Dalubguro (PASADO). Siyá rin ang tumatayong Tagapamahalang Editor ng Malay, isang international refereed at abstracted na journal sa Araling Pilipinas at ang pinakabinibisitang akademikong journal sa Philippine E-Journals.


Ang Dangal ng Wikang Filipino ay kumikilala sa mga nagtaguyod, nagpaunlad, at nagpalaganap ng wikang pambansa, ang Dangal ng Wikang Filipino ay parangal na ibinibigay lámang sa mga pilíng-pilíng indibidwal na may angking kontribusyon sa lipunan para higit na umangat ang Filipino sa iba’t ibang larang at dominyo ng kapangyarihan, gaya ng, ngunit hindi limitado sa, agham at teknolohiya, batas, edukasyon, inhenyeriya, kawanggawa, negosyo, pamamahala, sandatahang lakas, sining, at ugnayang panlabas.###


No comments:

Post a Comment