BREAKING

Wednesday, July 12, 2023

Masustansya at murang pagkain para sa iyong anak


Wazzup Pilipinas!?




Pangunahing hangarin ng isang magulang para sa kaniyang anak ang mabigyan ng masustansyang pagkain sa araw-araw, subalit, dahil sa kakulangang pang-pinansyal, maaaring maging mahirap para sa isang pamilya na magkaroon ng balanse sa pagitan ng abot-kaya at wastong nutritisyon na kinakailangan ng isang bata.

Lumabas sa mga pag-aaral na isa sa mga pangunahing sanhi ng malnutrisyon ay ang hindi sapat na pagkain ng masustansya na kinakailangan ng ating katawan. Upang maging malusog, dapat na maibigay ang hustong nutrients katulad ng carbohydrates, taba, protina at bitamina.

Kaugnay nito, at upang matulungan ang iyong pamilya na makaiwas sa malnutrisyon, narito ang mga tips sa paghahanda ng masustansyang pagkain na swak sa iyong badyet na tiyak na magugustuhan rin ng iyong anak:

Isang mahalagang bahagi ng balanseng pagkain ay ang taba at protina. Bumili ng abot-kayang pagkain tulad ng itlog, munggo at mga sariwang isda. Ang mga opsyon na ito ay hindi lamang matipid sa bulsa, kundi dahil ito rin ay masustansya na nakatutulong sa paglaki ng iyong anak.

Ang pagpaplano ng maaga ay isa sa mga susi sa abot-kaya at masustansyang pagluluto. Maglaan ng ilang oras kada linggo upang magplano. Sa maagang pagpaplano maaari kang gumawa ng listahan upang maiwasan ang pagbili ng hindi naman kailangan. Huwag kalimutan na isama ang mga pagkain tulad ng kanin, gulay, manok, baboy o tokwa na naglalaman ng nutrients na kinakailangan ng iyong anak.

Mahalaga ang mga sariwang prutas at gulay upang maging malusog. Hindi lamang abot-kaya, masustansya at sariwa ang mga lokal na produkto, matutulungan din ang ating magsasaka sa kanilang kabuhayan. Isama ang mga prutas, gulay na karaniwang makikita sa Pilipinas, tulad ng saging, papaya, talong, okra, malunggay at kamote. Ang mga pagkain na ito ay masustansya at kadalasang makukuha sa abot-kayang presyo sa merkado.

Maaaring lutuing muli ang mga natirang pagkain upang makalikha ng ibang ulam. Halimbawa, gamitin ang natirang inihaw na manok para gawing adobong manok o gawing sinangag ang sobrang kanin. Maaari naman isama sa may sabaw na ulam ang natirang karne at gulay. Ngunit dapat na siguruhin ito ay maaari pang makain. Sa pamamagitan ng muling paggamit ng mga natirang pagkain, ikaw ay makatitipid at makababawas din sa pagkasayang ng pagkain o food waste.

Tandaan na hindi mahal ang maging healthy. Tulad ng tema ng Buwan ng Nutrisyon ngayong Hulyo, “Healthy Diet Gawing Affordable For All!” sa pamamagitan ng paggamit ng lokal na sangkap at tamang diskarte sa pagluluto, masisigurado mong makukuha ng iyong anak ang mga nutrients na kinakailangan para sa mas malusog na katawan. 

About ""

WazzupPilipinas.com is the fastest growing and most awarded blog and social media community that has transcended beyond online media. It has successfully collaborated with all forms of media namely print, radio and television making it the most diverse multimedia organization. The numerous collaborations with hundreds of brands and organizations as online media partner and brand ambassador makes WazzupPilipinas.com a truly successful advocate of everything about the Philippines, and even more since its support extends further to even international organizations including startups and SMEs that have made our country their second home.

Post a Comment

Ang Pambansang Blog ng Pilipinas Wazzup Pilipinas and the Umalohokans. Ang Pambansang Blog ng Pilipinas celebrating 10th year of online presence
 
Copyright © 2013 Wazzup Pilipinas News and Events
Design by FBTemplates | BTT