Wazzup Pilipinas!?
Bilang bahagi ng patuloy na inisyatibo ng gobyerno na protektahan ang publiko laban sa COVID-19 infection, muling umarangkada ang mobile vaccination drive ng Department of Transportation (DOTr), katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na isinagawa sa Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City ngayong araw, ika-14 ng Pebrero 2022.
Sa ilalim ng “We Vax as One: Mobile Vaccination Drive,” target na mabakunahan ang nasa 500 transport workers at stakeholders kada araw mula alas otso ng umaga hanggang alas dose ng tanghali (8:00am-12:00nn). Ang pagbabakuna ay tatagal hanggang Huwebes, ika-17 ng Pebrero.
Prayoridad sa vaccination drive ang mga tatanggap ng booster doses, ngunit bukas rin ito para sa mga tatanggap ng first at second doses. Upang makakuha ng bakuna, pinapayuhan ang mga walk-in vaccinees na magparehistro sa LTO Chapel.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor, layon ng inisyatibo na mas lalong maging accessible ang bakuna laban sa COVID-19 sa mga tao.
“Ang ‘We Vaccine as One’ ay patuloy nating inilulunsad. Ito po ay karugtong ng mobile vaccination drive sa PITX at ngayon ay nandito sa LTO Office upang mapalapit pa sa ating mga kababayan itong vaccination drive natin,” ani Usec. Pastor.
Dahil nataon ang aktibidad sa Araw ng mga Puso, sinabi ni Usec. Pastor na ang pagbabakuna ay isang paraan ng DOTr ng pagpapakita ng pagmamahal sa taumbayan, gayundin ang pagmamahal ng nagpabakuna sa kanyang mga mahal sa buhay.
“Ano pa ‘ho ba ang magandang paraan upang ipakita ng Kagawaran ng Transportasyon, kasama ang LTO, LTFRB at partner agency na MMDA at DOH upang ipakita sa inyong lahat ang pagmamahal ng mga ahensyang ito, kundi ilapit sa inyo itong vaccines, upang maproteksyunan sa ating araw-araw na mga gawain. Ito rin po ay isang simbolo upang ipakita natin sa ating mga mahal sa buhay na kapag tayo ay nagpaturok ng vaccine, binibigyan po natin ng proteksyon ang ating sarili at ating mga mahal sa buhay,” dagdag pa ni Usec. Pastor.
Hinikayat naman ng LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga transport workers na wala pang bakuna na samantalahin ang handog na libreng pagbabakuna.
“Sa ating publiko, inaanyayahan natin sila na makiisa sa atin para mabigyan sila ng bakuna at mabawasan iyong pangamba at panganib na sila ay mahawa ng COVID-19,” pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante.
“Ito pong activity na ito ay para po sa inyo mga transport workers. Para sa mga tsuper, mga konduktor, at mga operator para po tuluy-tuloy ang serbisyo natin sa ating pagbibiyahe, sa ating mga bus, taxi at public transport. Protektado po kayo kapag nagpabakuna kayo,” sinabi naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra III.
Samantala, iginiit ni MMDA OIC-Chairman Atty. Romando Artes na ang vaccination drive ay patunay sa magandang relasyon ng DOTr at MMDA.
“Kami po ay laging magkakatulong sa pag-aayos ng ating pampublikong transportasyon, gayundin po ang pag-implement ng batas trapiko. Ngayon po ay nandirito na tayo sa pangalawang stage o second phase ng vaccination drive,” ani Atty. Artes.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ay inilunsad din ng DOTr at MMDA, ang “We Vaxx as One” sa ParaƱaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kung saan nasa 1,361 transport workers at commuters ang nabakunahan.
Habang sinimulan naman ng DOTr noong July 2021 ang unang pagbabakuna sa mga transport worker sa ilalim ng “Tsuperhero: Kasangga sa Resbakuna” vaccination campaign. Sa loob ng anim na magkakasunod na linggo sa ilalim ng programa, umabot sa 4,572 transport workers ang nabakunahan.
No comments:
Post a Comment