Monday, October 18, 2021
Ayuda sa mga driver ng mga pampublikong sasakyan sa gitna ng pandemya
Wazzup Pilipinas!?
Imbes na direktang pagtataas ng pamasahe na makaka-apekto sa higit na nakararaming pasahero, isinusulong ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng ayuda sa mga driver ng mga pampublikong sasakyan sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Transportation Secretary Art Tugade, itinutulak ng DOTr at LTFRB ang mga programa na magbibigay tulong, suporta, at ayuda sa mga driver at operator, na hindi nangangailangang magpatupad ng taas pamasahe.
“Kinakailangang balansehin natin ang pangangailangan ng mga drayber sa kakayanan ng mga pasahero ngayong pandemya. Kaya imbes na direktang pagtataas ng pamasahe, ayuda sa drayber at ayuda sa pasahero ang itinutulak natin,” pahayag ni Secretary Tugade.
“Naiintindihan namin ang sitwasyon ng ating mga drayber at tsuper, ngunit naiintindihan din namin ang hirap ng ating mga commuter. Alam naman natin na may ilan tayong kababayan na nawalan ng trabaho. Marami rin naman sa atin ang kababalik pa lamang sa trabaho. Ngayon pa lamang sila bumabawi, kaya sa aming pananaw ay hindi napapanahon na magpatupad ng fare increase,” dagdag ni Secretary Tugade.
Ayon naman kay DOTr Assistant Secretary Mark Steven Pastor, masusing pinag-aaralan ng LTFRB ang petition for fare hike na inihain ng mga transport group noong nakaraang linggo. Daraan aniya ang petisyon sa mga pagdinig bago ang pagtukoy kung kailangang magtaas ng pamasahe.
Inihayag din ni Pastor na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DOTr at LTFRB sa Department of Energy (DOE) upang magkaroon ng uniform discount ang mga pampublikong sasakyan, partikular na ang mga jeepneys, sa lahat ng mga gas stations sa buong bansa.
Sumulat na rin ang DOTr at LTFRB sa DOE upang magbigay ng suhestyon kung paano maiibsan ang epekto ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa operasyon ng mga PUV, kasama na dito ang pagbibigay ng fuel subsidy.
“Sumulat po kami last week, ang DOTr at LTFRB sa Department of Energy upang magbigay ng suhestyon at upang humingi rin ng kanilang cooperation na magkaroon po sana ng mga programa ang DOE na maging mandatory po ‘yung mga discounts sa ating public utility vehicles sa mga gas stations nationwide,” dagdag ni Asec. Pastor.
“With the guidance nga ni Secretary Tugade, kailangan nating balansehin ang interes. Kinikilala natin at ramdam natin ang kailangan ng ating mga tsuper at operator, but at the same time, maghanap tayo ng solusyon na hindi rin matatamaan ‘yung mas nakararami pa na mga mananakay,” ani LTFRB Chairman Martin Delgra III sa kanyang panig.
Samantala, muling inaanyayahan ng DOTr at LTFRB ang mga drayber at operator na lumahok sa Service Contracting Program, kung saan babayaran sila ng gobyerno sa kada nakumpletong biyahe o trips, habang sinisiguro na mananatiling tuluy-tuloy ang kanilang pamamasada. Bilang konsiderasyon sa pagtaas ng presyo ng krudo, pinag-aaralan na rin na taasan ang insentibong ibinibigay sa ilalim ng programa.
Dagdag pa dito, hinihikayat din ang mga transport stakeholder na samantalahin ang libreng pagpapabakuna. Noong Hulyo, inilunsad ang vaccination drive para sa PUV drivers at ibang empleyado ng transport sector. Magagamit nila ang kanilang vaccination cards para makatanggap ng mga karagdagang diskuwento sa gas stations at mga kainan.
No comments:
Post a Comment