Wazzup Pilipinas!
Muling nanawagan si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan (PUVs) na magpa-rehistro at lumahok sa “Service Contracting Program” na isinusulong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kasalukuyang ginaganap ang general registration at orientation program para sa Service Contracting ng LTFRB sa Quezon City Memorial Circle Covered Basketball Court. Nagsimula ito noong Miyerkules, ika-25 ng Nobyembre hanggang Linggo, ika-29 ng Nobyembre, alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
Kasabay ng isinasagawang general registration at training sa QC circle, mayroon ding nagaganap na general registration at training para sa service contracting program sa iba’t-ibang mga rehiyon sa bansa, tulad ng CARAGA, Regions 1, 6, 7, 9 10, 11 at 12.
Sa ilalim ng Service Contracting Program, ang mga tsuper na lubhang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID-19 ay maaring makatanggap ng dagdag na pagkakakitaan.
“Ang mga drayber ng pampublikong sasakyan ang isa sa mga matinding tinamaan ng pandemya, kaya naman gusto natin silang tulungan. Ito 'hong Service Contracting Program ay kaakibat ng Bayanihan to Recover as One Act, kung saan tutulungan ho natin ang mga tsuper na magkaroon ng dagdag na kita sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo base sa kanilang performance, na makatutong din upang maitaas ang lebel at kalidad ng kanilang serbisyo,” ani Secretary Tugade.
“Nananawagan ho ako sa ating mga tsuper na makilahok sa programang ito, nang sa ganon ay matulungan sila ng pamahalaan na mabawi nila ang nawala nilang kita dahil sa pandemya. Magtungo ho kayo sa Quezon City Circle at magpa-rehistro. Huwag po ninyong sayangin ang pagkakataon,” dagdag ni Secretary Tugade.
Matatandaan na ang Bayanihan To Recover As One Act o “Bayanihan 2” ay naglaan ng P5.58 bilyon para pondohan at isakatuparan ang “service contracting program” at tulungan ang mga tsuper na na magkaroon ng dagdag na kita.
Sa pamamagitan ng Service Contracting Program, babayaran ng pamahalaan ang mga tsuper sa pamamagitan ng isang “performance-based subsidy”, kung saan gagawing batayan ang distansyang itinakbo ng mga pampublikong sasakyan na minamaneho nila.
Ayon sa LTFRB, ang mga tsuper ng mga tradisyunal at modernong jeepneys ay makakatanggap ng P11 kada kilometro. Samantala, ang mga tsuper naman ng mga pampublikong bus ay makakatanggap ng P23.10 kada kilometrong itinakbo.
Ang “subsidy” o ayuda para sa mga tsuper ay base sa sumatutal na kilometrong kanilang itinakbo sa isang araw. Ang subsidy ay ibibigay kada isang linggo sa mga tsuper sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines.
Layon nitong makatulong sa pang-araw na gastos ng mga tsuper sa kanilang biyahe gaya ng gastos sa krudo, boundary, at iba pang gastusin para tugunan ang mga “quarantine protocols.”
Ang mga tsuper na nais lumahok sa programa ay kailangang magpakita ng “original” at “photocopies” ng kanilang propesyunal na lisensya, isang “certificate” na pirmado ng kanilang opereytor na magpapatunay na sila nga ay isang tsuper, dalawang photocopies ng operator’s valid ID (harap at likod) na may tatlong pirma ng operator, at isang photocopy ng “official receipt” (OR) o “certificate of registration” (CR) ng jeepney o bus na kanilang minamaneho.
Kailangan ding sumunod ang mga tsuper-aplikante sa mga health at safety protocols na pinaiiral sa lugar na pinagdarausan ng event, tulad ng pagsagot sa Health Declaration at Contact Tracing Forms bago pumasok, pagsusuot ng face shield at face mask, at ang social distancing measure.
Post a Comment