Friday, September 4, 2020

Tatlong Karagdagang Median Bus Stops ng EDSA Buseay, Bubuksan Na Sa Sabado



Wazzup Pilipinas!

Bubuksan na ng Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang median bus stops ng EDSA Busway sa North Avenue, Quezon Avenue, at Nepa Q-Mart simula bukas, ika-5 ng Setyembre.

Dahil dito, madaragdagan na ang mga lugar kung saan papayagang sumakay at bumaba ang mga pasahero ng bus na bumabaybay sa EDSA Busway.

Matatandaan na noon ay mayroon lamang apat (4) na median bus stops (Guadalupe, Ortigas, Santolan, Main Ave.) kung saan pinapayagang tumigil panandalian ang mga bus upang makapagsakay at makapagbaba ng pasahero.

“Sa pagbubukas ng tatlong (3) median bus stop, magiging mas madali, maayos at ligtas ang pagbaba at pagsakay sa mga bus para sa mga pasahero sa mga nasabing lugar,” wika ni DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor.




Sa kabuuan, magkakaroon ng 29 na bus stops sa EDSA Busway, 15 dito ay kumpleto na. Ang mga nalalabi ay unti-unting bubuksan matapos kumpletuhin ang mga kinakailangang imprastraktura at kagamitan upang masiguro na ito ay magiging ligtas sa mga pasahero.

Ang EDSA Busway ay isang dedicated lane sa gitnang bahagi ng EDSA. Sapagkat tanging mga bus lamang ang maaaring gumamit nito, mas mabilis, iwas-trapik, maaasahan at predictable ang oras ng dating at alis ng mga bus. Mula sa dating dalawa o tatlong oras na biyahe galing Monumento papuntang PITX, ngayon, 45 minuto hanggang isang oras na lamang ito.

Higit pa, ang inisyatibo ay isa sa mga paraan ng pagpigil ng pagkalat ng COVID-19. Dahil mas mabilis na ang paglalakbay, binabawasan nito ang risk  ng pagkahawa dulot ng matagal na exposure  ng mga pasahero sa virus ng COVID-19.

Matatandaan na nag-umpisa na ring mag-deploy ang DOTr ng mga bus na may passenger door sa kaliwang bahagi nito o left-door buses, para sa EDSA Busway. Apat na buses na ang kasalukuyang bumabaybay sa EDSA at madadagdagan pa ang mga ito sa mga susunod na araw.

Pinapaalalahanan din ng DOTr ang mga motorista na tanging mga bus at emergency vehicles lamang ang maaaring dumaan sa EDSA Busway. Ipinagbabawal din dito ang reckless o kaskaserong mga bus drivers.

#DOTrPH🇵🇭
#RoadSectorWorks

No comments:

Post a Comment